O Panginoon ko, Trinidad kong sinasamba, tulungan mo akong lubusang malimutan ang sarili upang manahan sa piling Mo, walang tinag at mapayapa na para bagang ang kaluluwa ay nasa langit na. Nawa’y walang bagay na makaligalig sa aking katahimikan o makapag-pahiwalay sa Iyo. O Panginoon kong hindi nagmamaliw, hari nawa’y bawat sandali ay maghatid sa akin sa kalaliman ng Iyong mysteryo ! Patahimikin Mo ang aking kaluluwa, gawain Mo itong langit, na luklukan at pahingahan Mo ; huwag Mong ipahintulot na maiwan Kitang nag-iisa doon, hangad kong makapiling Ka ng buo kong pagkatao, laging nakatalinga, masiglang nananampalataya at sumasamba, laging bukas ang puso sa Iyong tibok na mapag-likha sa aking buhay.
O Kristo kong mahal, na ipinako dahil sa pag-ibig, nais kong maging kabiyak ng Iyong puso. Nais kong kumutan Ka ng kaluwalhatian, nais kong ibigin Ka hanggang sa huling sandali ng aking buhay. Subalit batid ko ang aking kahinaan, kaya hinihiling kong bihisan Mo ako ng Iyong anyo ; nawa’y bawat tibok ng Iyong puso ay tumaginting sa aking puso, ako’y lunurin, ako’y sakupin, aking sarili ay maging Ikaw, upang ang sariling buhay ay maging silahis ng Iyong buhay. Halina sa buhay ko bilang isang Mananamba, isang Mananakop at isang Manliligtas.
O Salitang walang hanggan, Salita ng Diyos, hangad kong dinggin Ka habang ako ay nabubuhay. Buksan Mo ang aking puso, upang ako ay mahubog sa Iyong kaalaman. Ganoon man, sa lahat ng pagsubok sa buhay, sa lahat ng kakulangan, sa lahat ng kahinaan, hangad kong manatili tuwina at manahan sa ilalim ng Iyong busilak na liwanag. O aking Bituing minamahal, akitin mo ako upang di na maka-iwas sa Iyong kaningningan.
O Apoy na tumutupok, Espirito ng pag-ibig, suma-akin Ka, upang maganap sa aking kaluluwa ang pagkakatawang tao ng Salita, upang ako’y maging isang kadagdagan pa sa sangkatauhan, kung saan Kanyang sinasariwa ang Iyong mysteryo. O aking Ama, balingan Mo ang Iyong dukhang nilikha, kanlungan Mo siya, upang walang nang mamalas sa kanya kundi ang Iyong “Mahal na Anak” na Iyong labis na kinalulugdan.
O aking Tatlo, Ikaw ang lahat sa akin, ang aking kaligayahan, pag-iisang walang hanggan, kalawakang nakaliligaw, pinapain ko sa Iyo and aking sarili. Sukuban Mo ako, nang ako ay mapailalim sa Iyo, sa paghihintay na pagnilayan sa Iyong liwanag ang kalaliman ng Iyong kaningningan.